Kinumpleto na ng Baste

MANILA, Philippines - Kinumpleto ng San Sebastian ang mga koponang maglalaro sa Final Four ng 89th NCAA men’s basketball nang maisantabi ang hamon ng host College of St. Benilde, 69-62 kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Matibay ang depensang inilatag ng Stags sa huling yugto para maisantabi ang  huling pagdikit ng Blazers sa 56-53.

Ang panalo ay ika-11 matapos ang 18 laro sa double-round elimination para maging ikaapat at huling koponan na nakaabante sa semifinals.

Ang Emilio Aguinaldo College na nagnanais na makahirit ng playoff ay namaalam na dahil ang pinakamagandang karta na kanilang puwedeng kunin  ay 10 panalo lamang.

Kapantay na rin ngayon ng tropa ni coach Topex Robinson ang Perpetual Help sa 11-7 karta at magtutuos pa sila sa playoff sa Oktubre 29 para malaman kung sino ang ookupa sa ikatlo at apat na puwesto.

Tinapos ng Stags ang kampanya sa elimination round bitbit ang dalawang sunod na panalo.

Nauna rito ay ang 73-66 pamamayagpag na kinuha ng San Sebastian Staglets sa CSB-LSGH Greenies, para hawakan ang ikalawang puwesto sa juniors sa 15-3 baraha.

Ang Greenies ay tumapos sa 13-5 baraha para sa ikatlong puwesto habang ang pang-apat na puwesto ay pinaglalabanan pa ng Mapua (11-6) at Jose Rizal University (11-7).

Palaban pa ang Light Bombers matapos ang 73-66 win sa Arellano.

 

Show comments