Lumabas ang galing ng kabayong Parthenon

MANILA, Philippines - Lumabas din ang galing ng Parthenon nang maging dehadong kabayo na nanalo sa pagpapatuloy ng karera noong Miyerkules ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic Cavite.

Si RR De Leon pa rin ang gumabay sa kabayo sa 3YO Special Race na inilagay sa 1,200-metro distansya at buo ang takbong ipinakita ng tambalan para madomina ang  anim na nakalaban.

Ang Ubolt na ginabayan ni Mark Alvarez ang siyang napaboran at sa kaagahan ng karera ay nakipagbalikatan sa isa pang patok na Mucho Oro habang ang Parthenon ay sa pang-apat na puwesto, halos 10-dipa ang layo sa mga nasa unahan.

Sa rekta ay inagaw na ng Mucho Oro na hawak ni Rodeo Fernandez ang kalamangan ngunit mainit na ang Parthenon na napahinga ng isang buwan at ibinalik lamang noong Oktubre 1 at pumangalawa sa isang barrier race.

Bumubulusok ang Parthenon galing sa labas at sa huling 100-metro ay kinuha na ang liderato sa Mucho Oro na napag-iwanan pa ng  dalawang kabayong agwat sa meta.

Ang Mucho Oro ay nagbalak na kunin ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong takbo pero kinapos.

Halagang P51.00 ang ipinasok ng win habang ang 1-7 forecast ay nagkahalaga ng P237.00 sa bawat limang pisong taya.

Ang  Will Coskee naman ang lumabas na pinakapaboritong nanalo sa gabi.

Mahusay na naipuwesto ni AB Serios ang sakay na kabayo sa balya sa pagpasok sa huling kurbada para makasabay sa mga nauunang Hot Gossip at Insider.

Bakbakan ang tatlong kabayo pero hindi nagpaiwan ang Will Coskee na naunang tumawid sa meta bago sinundan ng Insider saka tumawid ang Hot Gossip.

Nakabawi ang Will Coskee sa pang-anim na pagtatapos noong Oktubre 1 sa pagdadala ng regular na hineteng si Esteban De Vera para mapangatawanan ang paniniwala ng bayang-karerista sa galing ng kabayo.

May P9.00 ang ipinasok ng win habang ang 4-5 forecast ay naghatid ng P35.00 dibidendo.

Show comments