San Sebastian iiwas sa komplikasyon
MANILA, Philippines - Iiwas ang sarili sa komplikasyon ng playoff ang makakamit ng San Sebastian sakaling manalo sa host St. Benilde sa 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-4 ng hapon at ang makukuhang ika-11 panalo ng Stags sa Blazers ay sapat na para angkinin ang ikaapat at huling puwesto sa Final Four.
Ang Emilio Aguinaldo College (9-8) ang natatanging koponan na may pag-asa pa para sa huling tiket sa semifinals pero kailangan nilang matalo ang Stags sa larong ito at manalo sa kanilang huling asignatura laban sa Mapua sa pagtatapos ng elimination round sa Sabado.
Kung mangyayari nga ang nais ni Baste coach Topex Robinson, makakatabla nila sa ikatlo at apat na puwesto ang Perpetual Help at manga-ngailangan pa ng playoff para madetermina ang opisyal na puwestuhan ng dalawang koponan.
Tinalo ng Stags ang Blazers sa unang tagisan, 80-78 at papasok din sila sa laban mula sa 71-65 panalo sa Altas upang matiyak na mataas ang morale ng mga kamador ng koponan sa mahala-gang laban na ito.
Ang tampok na laro dakong alas-6 ng gabi ay sa hanay ng Arellano at Jose Rizal University na parehong talsik na sa torneo.
Sa dalawang ito, magpupursigi ang Chiefs na manalo upang magkaroon ng momentum sa pagharap sa San Beda sa huling asignatura sa season.
- Latest