Mainit pa rin ang Mr. Bond
MANILA, Philippines - Napanatili ni Jeff Zarate ang init ng Mr. Bond para siyang kilalanin bilang kampeon sa 2013 Philracon 4th Leg Juvenile Colts Stakes na isinagawa noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Hinayaan muna ng tambalan ang maagang paglayo ng top pick na Matang Tubig ngunit nang makuha na ang ti-yempo ay nagtuluy-tuloy na hanggang sa makuha ang panalo sa 1,500-meter race sa halos dalawang dipang agwat.
Nakapirmis pa ang hinete ng Matang Tubig na si Jonathan Hernandez sa pagsapit ng huling kurbada upang paniwalaan na may ilalabas pa.
Pero wala nang inilabas pa ang first leg champion at tiningnan na lamang na umalpas sa kanila ang Mr. Bond sa pagpasok ng huling 75-metro ng karera.
May suwerte pa rin ang Matang Tubig dahil naungusan nila ang Young Turk ni Pat Dilema para malagay ang second leg champion sa ikatlong puwesto.
Ang third leg champion na River Mist na dala ni Val Dilema ang kumumpleto sa datingan.
Naibulsa ng Mr. Bond na may lahing Alim at Flavorofthemonth at pag-aari ni Hermie Esguerra ang P900,000.00 unang gantimpala mula sa P1.5 mil-yon na inilaan ng Philippine Racing Commission.
May dagdag pang P60,000.00 si Esguerra dahil siya rin ang trainer ng nasabing kabayo.
Ang kinalabasan ng karera ay mangangahulugan na apat ang posibleng maglaban para sa pinakamahusay na two-year colt sa taon.
May konsuelong P337,500.00, P187,500.00 at P75,000.00 gantimpala ang tatlong kabayo na kumumpleto sa datingan.
Nagpamahagi ang win ng third choice sa walong naglaban ng P15.50 habang ang 3-1 forecast ay nagbigay pa ng P58.50 dibidendo.
Nauna rito ay ang pa-nalong nakuha ng Skyway sa Juvenile Fillies race.
Samantala, ang Torn Bet Twolovers na sakay ni RO Niu Jr. ang siyang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na kuminang sa pagtatapos ng isang linggong pista sa tatlong malalaking racing clubs sa bansa.
Sa kalagitnaan ng 1,500-metro distansya nagsimulang maghabol ang tambalan at ginamit ang labas. Nagbalikatan sa rekta ang Torn Bet Twolovers at third choice Big Boy Vito ngunit nakahulagpos ang dehadong kabayo tungo sa kalahating-katawang panalo sa meta.
- Latest