Grizzlies tinalo ang Hawks

ATLANTA -- Nagsalpak si Jerryd Bayless ng anim na 3-pointers para magtala ng 22 points, habang nagdagdag ng 10 markers si Marc Gasol upang igiya ang Memphis Grizzlies sa 90-82 tagumpay laban sa Atlanta Hawks sa kanilang ikaapat na sunod na exhibition win.

Nagposte si Bayless ng 6-for-6 sa 3-point line kung saan ang lima dito ay kanyang naikonekta sa first half.

Nag-ambag naman si Ed Davis ng 14 points at 7 rebounds para sa Memphis (4-2).

Humugot si Paul Millsap ng siyam sa 14 points ng Hawks sa first quarter at tumapos na may 19 points at 8 rebounds bago inilabas dahil sa pananakit ng kanyang kaliwang Achilles sa third quarter.

Gumawa si Jeff Teague ng 15 points at may 8 markers si Al Horford para sa Hawks (1-4).

Sa Orlando, Florida, umiskor si E’Twaun Moore ng 14 points sa loob ng 30 minuto at tinalo ng Orlando Magic ang Detroit Pistons, 87-86, sa preseason game noong Linggo ng gabi.

Nagtala ang Orlando ng 23-point lead, ngunit pinanatili ng Detroit ang kanilang starting unit para makadikit sa fourth quarter.

Sa iba pang Preseason game, nanalo ang Minnessota sa Boston 104-89; Oklahoma sa Utah, 88-82; Portland sa Sacramento, 109-105.

Show comments