MANILA, Philippines - Bubuhayin pa ng Arellano ang kampanya para makaiwas sa maagang bakasyon sa pagsagupa sa host College of St. Benilde sa pagbabalik ng 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-4 ng hapon itinakda ang bakbakan at ikapitong panalo matapos ang 16 na laro ang maibubulsa ng Chiefs kung manaig sa Blazers.
Kung mangyari ito, mahihigitan na rin ng tropa ni coach Koy Banal ang naitalang 6-12 record noong nakaraang taon.
Ang San Sebastian ang siyang may tangan sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 9-7 baraha pero palaban pa ang Chiefs na nasa ikaanim na puwesto dahil kaya pa nilang tumapos bitbit ang siyam na panalo kung wawalisin ang nalalabing tatlong laro.
Sina Prince Caperal at John Pinto ang mga magdadala ng laban sa Chiefs upang maipaghiganti rin ang tinamong 62-69 pagkatalo sa Blazers sa unang pagkikita.
Bagama’t talsik na, asahan pa rin na gagawin ng host Benilde ang lahat ng makakaya para kunin ang panalo at magkaroon ng malakas na pagtatapos ang nabigong kampanya sa season.
Magtutuos naman ang Lyceum at Mapua sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi at pride na din lamang ang pag-lalabanan ng dalawa dahil parehong namaalam na sa liga.
Inilampaso ng Pirates ang Cardinals sa unang paghaharap, 74-59, ngunit hindi dapat magkumpiyansa ang tropa ni coach Bonnie Tan dahil ang bataan ni coach Fortunato ‘Atoy’ Co ay galing sa 81-76 paninilat sa three-time defending champion San Beda sa huling laban.