MANILA, Philippines - Iniluklok ng kabayong Seri ang sarili bilang kauna-unahang kampeon ng 1st Press Photographers of the Philippines Racing Cup na pinaglabanan noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Dominador Borbe Jr. ang siyang hinete ng kabayo at mahusay niyang ipinuwesto sa balya ang Seri upang madaling iwanan ang mga kasabayan sa rekta at mapa-ngatawanan ang pagiging paborito sa labanan.
Pinaglabanan ang karera sa 1,300-metro distansya at ang unang umalagwa ay ang Surprise Call bago sumunod ang Wow Jazziee habang nasa malayong ikatlo ang Seri.
Umabot ng halos tatlong dipa ang iniagwat ng Surprise Call pero napagod ito sa pagsapit ng tres octavo habang nagsimulang uminit ang Seri.
Sa huling kurbada ay nasa unahan na ang Seri habang ang Ni Haow ni Jonathan Hernandez na naunang nalagay sa pang-anim na puwesto sa pitong naglaban sa alisan ay humaharurot na rin.
Nasa anim na dipa ang iniagwat ng Seri para wakasan ang dalawang sunod na pangatlong puwestong pagtatapos sa mga nagdaang karera habang ang Ni Haow ang pumangalawa.
Ang panalo ay nagkahalaga ng P180,000.00 na ibinigay ng nagtaguyod ng karera na Philippine Racing Commission (Philracom).
Naghatid ang win ng Seri ng P11.00 habang ang 1-2 forecast ay nagbigay ng P40.00 dibidendo.