Giyera ng Cagayan at Smart-Maynilad

MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ng Cagayan Pro-vince at Smart-Maynilad ang pagtahak sa landas para makuha ang kampeonato sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na ika-4 ng hapon magkikita ang Lady Rising Suns at Net Spikers na kung saan ang mananalo ay aabante sa mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-three finals series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Papasok ang Cagayan bitbit ang 14-0 baraha ngunit inspirado rin ang Smart matapos silatin ang number two seed at 2011 champion Philippine Army sa semifinals.

Umabot sa deciding Game Three ang tagisan at naipakita ng tropa ni coach Roger Gorayeb na kaya nilang manalo sa mahalagang labanan nang angkinin ang 21-25, 25-20, 25-13, 21-25, 15-10 panalo noong Linggo.

Ang Army ay magtatangka na kunin ang ikatlong puwesto sa pagsukat sa Air Force sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.

Pero nalalagay pa sa alanganin ang paglalaro sa Net Spikers ni Dindin Santiago na isinuot ang uniporme ng koponan sa deciding game laban sa Army at tumapos taglay ang 19 hits, tampok ang tatlong blocks.

Sinasabing si Santiago ay puwede lamang maglaro sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa, tuwing weekends lamang dahil naghahanda na rin ang mother school na National University sa UAAP volleyball.

Maglaro man o hindi si Santiago, solido pa rin ang puwersa ng Net Spikers dahil nandiyan pa sina Thai imports Lithawat Kesinee at Wanida Kotruang bukod pa kina Alyssa Valdez, Maru Banaticla, Sue Roces, Grethcel Soltones, Rubie De Leon at libero Melissa Gohing.

Sa kabilang banda, aasa ang bataan ni coach Nestor Pamilar  sa galing ng mga Thai imports na sina Kannika Thipachot at Phomia Soraya bukod pa sa matitikas na spikers na sina Angeli Tabaquero, Aiza Maizo, Pau Soriano, Wenneth Eulalio at libero Angelique Dionela.

Tinalo ng Lady Rising Suns ang Net Spikers sa kanilang dalawang pagkikita ngunit sa ganitong Finals, hindi na mahalaga ang nangyari sa nakaraan dahil lahat ng manlalaro ay magpapakamatay sa court makuha lamang ang mahala-gang panalo.

Show comments