May konsuwelo si Jeric Teng

MANILA, Philippines - Biyayang nakapaglaro pa uli ng basketball ang siyang ginagamit ni Jeric Teng para maibsan ang sakit ng pagkahulagpos ng titulo sa 76th UAAP men’s basketball.

Matatandaan na si Teng ay dumanas ng shoulder injury upang malimitahan lamang siya sa pitong laro sa double-round elimination.

“Sobra-sobra na ang naibigay sa akin ni God. When I got injured, hindi ko inakala na makakalaro uli ako.  Ang makapaglaro lang ay blessing na at iyon nga ang ginawa ni God kaya siguro sobra-sobra na kung ibibigay pa sa amin ang championship,” rason ni Teng.

Lumasap ang UST ng 69-71 overtime na pagka-talo sa kamay ng La Salle sa deciding Game Three noong Sabado para makahulagpos ang sana’y kauna-unahang titulo sa UAAP  ni Teng matapos ang limang taong paglalaro.

Krusyal ang passing error ni Aljon Mariano para mawala ang isang puntos na kalamangang tangan ng UST, 69-68, sa huling 30 segundo ng bakbakan.

“Hahawakan na namin ang trophy, dumulas pa. We made crucial mistakes sa fourth period at overtime. Siguro di para sa amin ang game,” wika pa ni Teng na umiyak matapos tumunog ang final buzzer.

Dahil sa pangyayari, hindi nakatikim ang 22-anyos ng titulo sa UAAP kahit dalawang beses na tumapak ng finals ang koponan. Noong nakaraang taon ay nakalaban ng UST ang Ateneo pero winalis sila nito, 0-2.

Ngayong tapos na ang kanyang collegiate career, pagpaplanuhan niya ang sunod na hakbang at tampok dito ay ang pagpasok sa PBA.

 

Show comments