Nilusutan ang UST Tigers sa overtime sa Game Three: Kampeon ang Green Archers

MANILA, Philippines - Berde ang kulay na na­mayagpag sa 76th UAAP men’s basketball.

Nagtulung-tulong sa huling 30 segundo sa over­time sina Jeron Teng, Al­mond Vosotros at LA Revilla upang maisantabi ang dalawang puntos na kalamangan ng UST patungo sa 71-69 tagumpay para kilalaning kampeon ang La Salle sa liga.

May 25 puntos si Teng at ang kanyang split sa free throw ang naglapit sa Green Archers sa 69-68.

Nagkaroon ng break ang La Salle nang itapon ni Aljon Mariano ang defensive rebound at si Teng ay naispatan ang libreng si Vosotros na kumonekta ng isang 15-footer para sa go-ahead basket.

Nasupalpal naman si Ka­­rim Abdul ng Tigers ni Arnold Van Opstal at ang bola ay na­kuha ni Revilla para sa kanyang split para sa dalawang puntos na kalama­ngan ng Green Ar­chers sa 9.3 segundo.

Hindi naman pinalad ang UST na makakuha ng magandang opensa at ang huling pukol ay ginawa ni Abdul sa 3-point line na hindi tumama ng ring upang magdiwang ang mga panatiko ng La Salle, kasama ang 1999 champion team.

Ito ang ika-siyam na titulo ng Green Archers sa UAAP at naulit ang nangya­ri no­ong 1999 nang bumangon ang ko­po­nan mula sa 0-1 deficit at tinalo ang Tigers sa su­mu­nod na dalawang laro.

“I told them that this game will boil down to every possession. That we have to keep figh­ting on every possession that even if they led by as much as 15 points, I never lost hope because they showed they have a great fight in them,” ani rookie coach Juno Sau­ler.

Si Jeron Teng ang kinilala bi­lang Finals MVP sa pag­­kuha ng unang UAAP title sa dalawang taong pag­­lalaro para sa La Salle.

Nabigo ni Jeron ang ha­­ngarin ng nakatatandang ka­patid na si Jeric na tapusin ang collegiate ca­reer bitbit ang isang UAAP title.

La Salle 71 – Teng 25, Vosotros 16, Perkins 13, Van Opstal 11, T. Torres 4, N. Torres 1, Revilla 1, Tampus 0, Salem 0.

UST 69 – Abdul 26, Teng 24, Ferrer 7, Bautista 4, Mariano 3, Sheriff 2, Lao 2, Pe 1.

Quarterscores: 16-18; 24-32; 47-48; 65-65; 71-69 (OT).

 

Show comments