MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng Petron Blaze at ng San Mig Coffee ang 1-0 abante sa kanilang championship series sa pagdribol ng Game One ng 2013 PBA Governors’ Cup finals.
Magtatagpo ang Boosters at ang Mixers ngayong alas-8 ng gabi para sa kanilang best-of-seven championship series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinabi ni balik-import Marqus Blakely na hindi na niya pakakawalan ang pagkakataong makabawi matapos mabigo ang San Mig Coffee sa nagkam-peong Rain of Shine na ipinarada si Jamelle Cornley, sa nakaraang 2012 PBA Governors’ Cup finals.
“Last year was a disappointment for me and my team. Back here and having another shot is a good opportunity for me,†wika ng 6-foot-5 na si Blakely na sasagupa kay Elijah Millsap ng Petron.
Sa sinakyang 11-game winning streak ng Boosters, kasama dito ang 89-83 paggiba sa Mixers sa single round eliminations.
“Petron hasn’t really had a hard time. They’ve been in smooth sailing. They’re really gonna be a tough opponent for us. We’ll be the underdogs, but we’ll take on that and go at them,†wika ni San Mig Coffee coach Tim Cone.
Nasa kanyang 25th finals appearance bilang head coach si Cone at hangad ang kanyang ika-15 PBA championship na papantay sa record ni PBA great Baby Dalupan.
Hangad naman ni mentor Gee Abanilla na maging ika-pitong coach na manalo ng titulo sa kanyang unang komperensya.
Asam ng Boosters ang kanilang ika-20 korona, habang pang-10 naman ang puntirya ng Mixers.
“Labanang todo ito. Walang sister team-sister team dito,†wika ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap.
Para maitakda ang kanilang championship series ay tinalo muna ng Petron at San Mig Coffee ang nagdedepensang Rain or Shine at Meralco sa magkatulad na 3-1 iskor sa kani-kanilang best-of-five semifinals series.