MANILA, Philippines - Nakatuon ang isipan ng La Salle at UST sa do-or-die game sa Sabado kaya’t hindi nila pahihintulutan ang kanilang mga manlalaro na makapanood sa makasaysayang NBA Pre-season game sa Huwebes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“When Lebron James visited the country, we were invited to attend but we prioritized our practice then. So we won’t go,†wika ni Archers mentor Juno Sauler na nakasama si UST coach Alfredo Jarencio na dumalo sa PSA Forum kahapon na ginawa sa PSC Athletes’ Lounge sa Rizal Memorial Sports Complex.
Kahit si Jarencio ay hindi nakikitang makakapanood ang kanyang mga players lalo pa’t naka-quarters sila para mabuo ang kanilang samahan.
“Naka-dorm kami at sama-sama kami. Pati practice, umaga at hapon kaya wala ng time na pumunta. Magpokus muna kami rito dahil baka kung anu-ano ang gawin nila, baka gayahin pa nila ang mga tira ng mga NBA players,†tugon ni Jarencio.
Ang Game Three ay itinakda sa Sabado at inaasahang magiging balikatan ito matapos maghati sa naunang dalawang laro.
Nailusot ng Tigers ang Game One, 73-72, bago tumabla ang Archers sa Game Two, 77-70.
Isang linggo ang pahinga kaya’t ang anumang momentum na nakuha ng Archers sa huling panalo ay naglaho na.
“We don’t have the momentum. For me, the most important part is how we approach these coming days. How we come out and play on Saturday,†ani Sauler.
Ang mga aasahan niya uli ay sina Jeron Teng, Almond Vosotros, LA Revilla, Thomas Torres, Arnold Van Opstal, Norbert Torres at Jason Perkins.
Pero madadagdagan ng puwersa ang La Salle sa pagbabalik mula sa injury ni Matt Salem na may bangis sa pagbuslo sa tres.
Sina Jeric Teng at Karim Abdul ang mga mamumuno sa Tigers pero nananalig si Jarencio na babawi sina Kevin Ferrer at Aljon Mariano matapos ang di magandang ipinakita sa Game Two.
“Maganda ang defensive plan nila sa mga shooters namin. Si Kevin, wala siyang nilarong maganda kaya bawi na lang. Si Aljon, andyan lang iyan. Malay mo sa Game Three pumutok. Sa ngayon ay mga pigsa pa lamang ang pumuputok,†pabirong tugon ni Jarencio.
Pero higit sa pisikal na preparasyon, nagkaisa sina Sauler at Jarencio na ang magpapanalo sa alinmang team ay ang koponan na makikitaan ng mental toughness.
Tiyak na mahihigitan ang 20 libong tao na nanood sa Game two sa mga sasaksi sa deciding game kaya’t bawat hawak ng bola ay may pressure at ito ang dapat na mapaglabanan ng Archers at Tigers.