Inspirado si Manny

MANILA, Philippines - Mas naging inspirado ngayon si Manny Pacquiao matapos ihayag ng kanyang asawang si Jinkee na tatlong buwan na siyang nagdadalantao para sa kanilang pang-limang anak.

Ipinagpatuloy ng Filipino world eight-division champion ang kanyang pagsasanay kontra kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa pagbabalik niya sa General Santos City.

“Kailangan nating dagdagan ‘yung exercise natin, yung punch mitts natin, ‘yung mga ginagawa natin,” sabi ng 34-anyos na si Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) na lalabanan si Rios (31-1-1, 23 KOs) para sa World Boxing Organization International welterweight title sa Nobyembre 24 sa The Venetian sa Macau, China.

Inaasahan ni Pacquiao ang kanilang pang-limang anak ni Jinkee matapos sina Jimuel, Michael, Princess at ang 5-anyos na si Queenie sa 2014.

Noong nakaraang taon ay nabigo si Pacquiao kina Timothy Bradley, Jr. (split decision) at Juan Manuel Marquez (sixth-round KO).

Sa pagpapatalsik kay Alex Ariza ay muling kinuha ni Pacquiao si dating strength and conditioning coach Justine Fortune.

Si Ariza ay lumipat naman sa kampo ni Rios sa boxing gym ni Mexican chief trainer Robert Garcia sa Oxnard, California.

Nakatakdang dumating sa Linggo ang Australian na si Fortune, nagsilbi sa Team Pacquiao simula noong 2001 hanggang 2007, para tulungan sa pagpapakon-disyon ang Sarangani Congressman.

 

Show comments