MANILA, Philippines - Nakarating na sa semifinals ang Philippines sa kasalukuyang FIBA-Asia Under-16 Championships na ginaganap sa Tehran, Iran.
Gumamit ang mga Pinoy ng balanseng atake upang igupo ang mas pinapaborang Iran, 79-52 nitong Miyerkules ng gabi.
Dahil dito, isang panalo na lang ang kaila-ngan ng mga Pinoy para makakuha ng isa sa tatlong slots sa 2014 FIBA World Under-17 Championships na nakatakda sa June 26-July 6 sa Dubai.
Nagtala si Jolo Mendoza ng 16 points habang ang kanyang kapwa Atenista na si Mike Nieto, Jolo Go ng Hope Christian, Paul Desiderio ng UP at Carlo Abadeza ng La Salle-Greenhills ay may 13, 12, 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod para sa Nationals na ngayon ay nakasisi-guro nang matatapatan ang fourth place finish ng bansa nang unang idaos ang torneong ito noong 2009 sa Malaysia at 2011 sa Vietnam.
Matamis na paghihiganti rin ito para sa mga Pinoy na natalo sa Iranians, 73-83 sa overtime sa kanilang bronze medal match sa Malaysia apat na taon na ang nakakaraan.
Kalaban ng Nationals ang tumalo sa kanila sa first round na Chinese Taipei habang sinusulat ang balitang ito para sa isang slot sa world meet.
Pinangunahan ng mga Pinoy ang Group F at nakakuha ng top seeding patungong playoff phase sa taglay na 4-1 (win-loss) record.
Ang isa pang semis duel ay sa pagitan ng reigning back-to-back champion na China at Japan.
Nakarating sa semis ang China at Japan matapos talunin ang Kazakhs-tan, 102-75 at South Korea, 75-75, ayon sa pagkakasunod.