MANILA, Philippines - Pagsasama ng tatlong dating PBA stars ang maaaring magbangon sa Adamson University sa 77th UAAP men’s basketball.
Si Kenneth Duremdes ang siyang kinuha ng pamunuan ng unibersidad para ipalit kay Leo Austria.
Makakatulong ni Duremdes ang dati ring Adam-son player na si 6’9†center Marlou Aquino bukod pa sa batikang shooter nang kanyang kapanahunan na si Vince Hizon.
Si Duremdes ay nasa US sa ngayon at ang aksyon ay tila para makapagpahinga muna at ikondisyon ang sarili para sa matrabahong paghubog sa Falcons. Ang host ng 76th season ay hindi nakapasok sa Final Four dahilan upang maghayag si Austria na iiwan na ang koponan dahil marami na umano ang nagdududa sa kanyang kakayahan.
Hindi naman papasok mula sa labas si Duremdes dahil ang dating scorer ng Adamson ay nanilbihan din bilang isa sa assistant coach ni Austria sa kasalukuyang season.
Si Duremdes ang siyang didiskarte sa laro habang sina Hizon at Aquino ang siyang mangangasiwa sa paghahanda sa mga shooters at bigmen ng Falcons sa susunod na taon.
May puwersa pa rin ang Falcons dahil magbabalik pa rin sina Jericho Cruz at Ingrid Sewa para pamunuan ang gagawing kampanya.