MANILA, Philippines - Tumanggap ng matinding hamon ang Cagayan Province mula sa Smart-Maynilad ngunit nagawa pa rin nilang magtagumpay, 25-21, 22-25, 25-19, 17-25, 15-13 upang lumapit sa No. 1 seeding sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference na dinayo sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nag-init sina Aiza Maizo at Angeli Tabaquero sa decider at nagpakawala ng matutulis na kills na bumasag ng 13-all tungo sa panalo ng Rising Suns sa loob ng isang oras at 52-minuto para sa 10-0 record.
“Alam namin na magiging mahirap ang laban, buti na lang nagdeliber kami sa huli,†sabi ni Cagayan coach Nes Pamilar na muling nanalo sa Net Spiker na na-sweep nila sa eliminations.
Pinangunahan ni Thai reinforcement Kannika Thipachot ang Cagayan sa kanyang 22 hits, kabilang ang 20 kills habang sina Tabaquero at Maizo ay tumapos ng 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor si Ateneo standout Alyssa Valdez ng 22 hits habang sina Thai import Lithawat Kesinee at Gretchel Soltones ay nagdagdag ng 15 at 12 points para sa Net Spikers na lamang pa sa 8-7 at naghabol mula sa 11-13 para sa dikitang pagtatapos ng labanan.
Samantala sa unang laro, sinayang ng Phl Army ang dalawang set na bentahe ngunit nakarekober sa dakong huli upang igupo ang Phl Air Force sa decider tungo sa 25-22, 25-21, 21-25, 19-25, 15-13 panalo para manatili sa likod ng nangu-ngunang Cagayan.
Ang dating UAAP MVP at UST standout na si Mary Jean Balse ay tumapos ng 24 points, kabilang ang clutch hits sa fifth set na ang huli ay bumasag sa 13-all bago nakopo ng Army Women ang panalo sa error ni Wendy Semana.
Sinuportahan naman nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis si Balse sa kanilang 17 at 14 hits, ayon sa pagkakasunod upang manatiling buhay ang tsansa ng Army Women na makuha ang top seeding taglay ang 9-1 mark patungo sa Final Four sa susunod na linggo ng tournament na sponsored ng Shakey’s.
“Natalo kami sa third at fourth sets dahil nawala ‘yung init ng laro namin tulad sa unang dalawang set. Buti na lang nakarekober kami sa tamang oras,†sabi ni Army coach Rico de Guzman.
Nakatulong ang malawak na karanasan at poise ni Balse, naglalarong panuporta lamang, sa deciding set matapos manguna sa team sa unang pagkakataon dahil sa kanyang magandang inilaro para sa 20 kills at tatlong aces.
Sina Michelle Carolino at Joanne Bunag ay may tig-seven points.