Smart babawian ang Cagayan sa V-League

MANILA, Philippines - Bitbit ang mas matikas na line-up, balak ng Smart-Maynilad na bawian ang Cagayan Province sa kanilang pagtutuos sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference nga­yon sa The Arena sa San Juan City.

Lumasap ang Net Spikers ng 23-25, 24-26, 20-25 pagkatalo sa Lady Ri­sing Suns sa elimination round sa panahong gu­magamit lamang ang ko­ponan ng walong man­la­laro.

Ngunit iba ang inaasahang kalalabasan sa la­rong itinakda sa alas-4 ng hapon dahil mas lu­ma­kas na ang tropa ni head coach Roger Gorayeb sa pagpasok nina Thai import Lithawat Kesinee at Alyssa Valdez.

Sa tatlong laro, nagtala si Valdez ng 80 points mula sa 60 kills, 15 aces at 5 blocks, para sa kanyang 27-hit average.

Tangan ang 6-3 ba­raha, ang makukuha ring panalo sa tampok na laro ang mag-aakay sa Smart sa Final Four kasama ang Ca­gayan at Philippine Ar­my.

Asahan naman na ma­kikipagpukpukan ang Lady Rising Suns para ma­i­sulong ang ratsada sa 10 sunod.

Magsusukatan naman ang Army at ang Philippine Air Force sa unang la­ro sa alas-2 ng hapon.

 

Show comments