Malaking kawalan si Lee sa Rain or Shine

MANILA, Philippines - Nagkaroon si playmaker Paul Lee ng torn calf muscle injury noong Huwebes at posibleng hindi na makalaro sa season na nagpadehado sa Rain or Shine sa kanilang semifinals series ng Petron Blaze sa 2013 PBA Governors Cup na magsisimula sa Lunes sa Smart Araneta Coliseum.

Nalasap ni Lee, ang No. 10 sa stats race para sa Best Player of the Conference matapos ang  elimination round, ang injury sa dulo ng third quarter ng kanilang quarterfinals match ng Globalport Batang Pier.

Si Ryan Araña ang pumalit kay Lee sa fourth quarter na gumiya sa Elasto Painters sa 108-106 panalo patungo sa Final Four laban sa elims topnotcher at 2011 titleholder Petron Blaze.

Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si coach Yeng Guiao na maidedepensa nila ang koronang kanilang kinuha noong nakaraang taon laban sa San Mig Coffee Mixers (dating B-Meg Llamados).

“No question, Paul is a big loss because he can score and he can create situations for his teammates,” wika ni Guiao.   “He can easily contribute at least 10 points a game, and that’s huge. Without him, there’s no denying we’re the underdogs. Or lalo kaming naging underdog,” dagdag pa nito.

Sa kabila ng hindi pag-lalaro ni Lee sa limang laban kontra sa B-Meg sa nakaraang best-of-seven finale ay nagawa pa rin ng Rain or Shine na magkampeon.

Nagkaroon si Lee ng dislocated shoulder ngunit hinirang pa ring Rookie of the Year noong 2012.

Muling aasahan ng Elasto Painters sina Jeff Chan, Gabe Norwood, Ryan Arana, Chris Tiu, TY Tang, Beau Belga, JR Quinahan, Jervy Cruz, Larry Rodriguez, Jireh Ibanes at Ronnie Matias para tapatan ang Boosters.

 

Show comments