Malabo nang matuloy ang Pacquiao-Marquez V

MANILA, Philippines - Posibleng magretiro na si Juan Manuel Marquez ngayong taon.

At dahil dito ay malabo nang makaganti si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa kanyang masakit na sixth-round KO loss kay sa Mexican world four-division titlist noong Disyembre 8, 2012.

Sa panayam ng BoxingScene.com, sinabi ng 40-anyos na si Marquez na posibleng magretiro na siya ngayong taon matapos ang nakatakda niyang paghahamon kay WBO welterweight king Timothy Bradley, Jr. sa Oktubre 12 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.

Ang WBO belt na hawak ni Bradley ay inagaw niya kay Pacquiao mula sa isang split decision win noong Hunyo 9, 2012 bago napatumba ni Marquez noong Disyembre 8.

“Retirement is a possibility. I won’t rule anything out right now,” sabi ni Marquez na pinatulog si Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na pagtatagpo.

Matapos ito ay sinabi ni Marquez (54-6-1, 40 KOs) na hindi na niya muling lalabanan si Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) para hindi na ito makabawi.

“First things first, we have to see how I feel physically, which is a very important factor and then see what happens,” ani Marquez.

Nauna nang inihayag ni WBO president Francisco ‘Paco’ Valcarcel na posibleng maitakda ang Pacquiao-Marquez Part 5 kung parehong mananalo sina Pacquiao at Marquez sa kanilang mga laban kina Brandon ‘Bam Bam’ Rios at Bradley.

Magiging mandatory challenger si Pacquiao kung maaagaw ni Marquez kay Bradley ang bitbit nitong WBO welterweight belt. Lalabanan ni Pacquiao si Rios para sa WBO International welterweight belt sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China.

Show comments