MANILA, Philippines - Tinapos ng La Salle ang apat na taon na paghihintay para makalaro uli sa championship nang katayin ang FEU, 71-68 sa 76th UAAP men’s basketball Final Four kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtulungan ang mga Archers sa puntong lumayo ang Tamaraws ng hanggang 11 puntos sa ikatlong yugto upang hindi na kailanganin na sagarin pa ang bitbit na twice-to-beat advantage.
“Our main focus is to go to practice and be mentally prepared day in and day out. Our goal is to improve every game,†wika ni coach Juno Sauler na ikalawang rookie head coach sa huling limang taon na naipasok ang koponan sa finals. Ang una ay si Lawrence Chongson sa pamamagitan ng UE noong 2009.
Isang 9-2 palitan ang itinugon ng Archers sa apat na puntos na ginawa ng Tamaraws sa pagbubukas ng huling yugto para magtabla ang dalawa sa 61-all.
Bumanat ng tres si Roger Pogoy para ibigay sa FEU ang 66-65 kalamangan pero ito na ang huling hirit ng koponan dahil si Jeron Teng ay gumawa ng apat na sunod na puntos para ilayo ang La Salle sa apat, 70-66, may 13.1 segundo sa laro.
Si Teng ay mayroong 15 puntos at 10 rebounds bukod sa anim na assists habang sina LA Revilla at Norberto Torres ay naghatid pa ng tig-15 puntos. May 11 rebounds naman si Perkins bukod sa walong puntos para sa La Salle na nakuha ang ikasiyam na sunod na panalo.
Noong 2008 huling tumapak ng finals ang Archers at talo sila sa Ateneo.
Sa Oktubre 2 magbubukas ang best-of-three finals at ang kalaro ng Archers ay ang mananalo sa pagitan ng National University at UST na magtutuos sa Sabado.
May 16 puntos si Bryan Cruz habang 14 ang ibinigay ni Terrence Romeo sa kinapos na Tamaraws.
Isang quick two ang ginawa ni Romeo sa hu-ling 5.8 segundo para tapyasan sa dalawa ang kalamangan.
Nalagay sa 15-foot line si Perkins sa foul ni Pogoy at isa lang ang kanyang naisalpak. Pero 1.6 segundo na lamang ang nalalabi sa orasan at ang malayong pukol sa tres ni Romeo ay hindi tumama ng ring.
DLSU 71 – N. Torres 15, Teng 15, Revilla 15, Perkins 8, Van Opstal 6, Vosotros 5, T. Torres 4, Montalbo 3, Tampus 0, Salem 0, De La Paz 0.
FEU 68 – Cruz 16, Romeo 14, Garcia 10, Mendoza 8, Pogoy 6, Belo 5, Hargrove 4, Tolomia 3, Jose 2, Iñigo 0, Sentcheu 0.
Quarterscores: 18-21; 31-38; 52-56; 71-68.