Unang major basketball title ni Parker at ng France
LJUBLJANA, Slovenia – Nakopo ng France ang kanilang unang major basketball title nitong Linggo matapos igupo ang Lithuania, 80-66 sa finals ng European championships.
Tahimik sa larong ito si San Antonio Spurs star Tony Parker matapos magbida sa mga naunang laro.
Kumawala ang France sa third quarter sa pamamagitan ng 14-0 run kung saan scoreless ang Lithuania ng 4 minuto. Lumaki ang bentahe ng France sa 22, may 3 minuto na lang na natitira sa naturang yugto at hindi na nakarekober pa ang Lithuania.
Umiskor si Nicolas Batum ng Portland Trail Bla-zers ng 17 points habang ang Spurs teammate ni Parker na si Boris Diaw ay nagdagdag ng 15 para sa France.
Si Parker na tumapos ng 12 points matapos magtala ng apat na puntos lamang sa unang tatlong quarters, ang itinanghal na tournament MVP dahil umiskor ito ng 32 points kontra sa defending champion Spain sa semifinals.
Pinangunahan ni Linas Kleiza, lumaro ng pitong seasons sa NBA sa Portland at Denver, ang Lithuania sa kanyang 20 points.
Ang titulo ay tumapos sa ilang taong pagkaunsiyami ng France na may anim na NBA players sa team. Ang France ay natalo sa finals kontra sa Spain dalawang taon na ang nakakaraan at naka-bronze lamang noong 2005.
Tinalo naman ng Spain ang Croatia 92-66 sa bronze medal game.
- Latest