Orcollo-Corteza hari ng World Cup of Pool

MANILA, Philippines - Hindi binigo nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang samba-yanang Pilipino na nanalig sa kanilang husay nang pagharian ang 888.com World Cup of Pool na natapos noong Linggo sa York Hall sa Bethnal Green sa East London.

Pumasok sina Orcollo at Corteza sa finals matapos ang mahirap na 9-7 panalo kina Ko Pin Yi at Chang Jung-lin ng Chinese Taipei at nakatapat nila sina Niels Feijen at Nick Van den Berg ng Netherlands na  pinagpa-hinga ang nagdedepensang kampeon na sina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland sa 9-4 iskor.

Balikatan ang labanan sa finals na isang race-to-10 at kahit nakalayo ang mga pambato ng bansa sa 6-3 ay tila maaagaw ang panalo ng Dutch pair nang kunin ang panalo sa lima sa sumunod na anim na pinaglabanan at lumamang sa 8-7.

Ang inakalang  9-7 para sa mga dayuhan ay hindi nangyari nang magtala ng error si Feijen upang mauwi sa 8-all ang iskor bago nasilayan ang husay ni Corteza na naipasok ang long shot sa 8-ball na nasundan ng pagpasok sa 9-ball ni Orcollo tungo sa kalamangan (9-8).

Hindi na bumitiw pa sina Orcollo at Corteza para magbunga ang tambalan na nangyari sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Noong 2012 sa Pilipinas ay nagsama na silang dalawa pero agad silang napatalsik sa first round sa kamay nina Dimitri Jungo at Ronnie Regli ng Switzerland, 8-7.

Ang kampeonato ay una ng Pilipinas sa hu-ling apat na taon at ikatlo sa pangkalahatan mula nang bigyan ng buhay ang kompetisyon noong 2005.

Sina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante ang bukod tanging manlalaro na nakadalawang titulo na nangyari noong 2005 sa Wales at 2009 sa Pilipinas.

Ito naman ang ikalawang pagtungtong sa finals ni Orcollo at naisantabi niya ang pagkatalo noong 2010 kasama si Ronato Alcano.

Halagang $60,000.00 (P2.58M) ang premyong napanalunan nina Orcollo at Corteza na number three at four sa ranking ng international body World Pool Association (WPA).

Sunod na paghahandaan ni Orcollo ay ang nakatakdang paglahok sa Myanmar SEA Games kasama si Biado na semifinalist sa World 9-ball sa Qatar at number two sa listahan ng WPA.

 

Show comments