MANILA, Philippines - Tumatag pa ang Philippine Army sa pagkakahawak sa ikalawang puwesto sa pamamagitan ng 25-13, 25-23, 25-22, panalo sa Philippine National Police sa Shakey’s V-League Season 10 Open Confe-rence quarterfinals na binuksan kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling nasilayan ang bangis sa pag-atake at sa depensa ng Lady Troopers para makadalawa sa Lady Patrolers.
Sina Rachel Anne Daquis at Mary Jean Balse ay tumapos taglay ang tig-15 hits, tampok ang pinagsamang 23 kills para bigyan ang Army ng 47-38 kalamangan sa PNP sa departamento.
Hindi nagpahuli ang bata pero mahusay na si Jovelyn Gonzaga na may 11 hits at tatlong service ace habang ang beteranong setter na si Cristina Salak ay may 32 excellent sets.
Ito ang ikapitong panalo sa walong laro ng Lady Troopers para lumapit ng kalahating laro sa nangu-nguna at walang talong Cagayan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Tinapos naman ng Smart-Maynilad ang limang sunod na panalo ng Philippine Air Force sa 25-23, 22-25, 25-15, 25-18, sa ikalawang laro.
May 25 puntos si Alyssa Valdez habang si Thai import Lithawat Kesinee ay nagdagdag ng 18 para iangat ang Net Spikers sa 5-3 baraha at makasalo sa ikatlo at apat na puntos ang Air Women.
May 17 hits si Judy Ann Caballejo para sa Air Force na natalo kahit lamang sa excellent sets, 29-27.
Ang anim na koponang naglalaban sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa ay sasalang sa single-round robin at ang top 4 ay aabante sa semis.