MANILA, Philippines - Nakabalikwas agad ang kabayong Life Is Beautiful nang panguna-han ang EG & A Cons-truction Corp. race noong Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Christian Garganta ang hinete ng kabayong pinatawan ng pinaka-mabigat na peso na 58 kilos sa walong naglaban pero kayang-kayang dalhin ito ng kabayo sa karerang inilagay sa 1,200-metro distansya.
Sa pagbukas ng aparato ay sumungaw agad ang I Am On Fire pero panandalian lamang ang pag-alagwa nito dahil agad na umarangkada ang Life Is Beautiful para magmando na.
Nagpalitan ng puwesto ang mga kabayong nasa likuran at sa huling kurbada ay kumakaripas na ang Luna Rossa at Crotales na tumakbo kasama ang coupled entry na Suave Saint.
Pero buo pa rin ang Life Is Beautiful na unang tumawid bitbit ang halos isang dipang agwat sa Crotales na diniskartehan ni EP Nahilat.
Pumangalawa lamang sa huling takbo, ang panalo ng nasabing kabayo ay nagbigay ng P10,000.00 sa kanyang winning owner mula sa P20,000.00 na inilagay ng nagtaguyod ng karera na si Argao Mayor Edsel Galeos.
Ang hinete ay mayroong P4,000.00 habang ang trainer at sota ay nabiyayaan ng P4,000.00 at P2,000.00 gantimpala.
May dalawa pang karera na sinahugan din ng ganitong papremyo at ang mga nanalo ay ang Masmasaya Sa Pinas at Real Steel.
Si Fernando Raquel Jr. ang sumakay sa Masmasaya Sa Pinas na rumemate mula sa pang-apat na puwesto.
Mula sa labas ay kumamada ang Masmasaya Sa Pinas at pagpasok sa huling 100-metro ay malinaw na ang panalo ng nasabing kabayo.
Sa kabilang banda, ang Real Steel na sakay ni Val Dilema ay nanalo sa Honeywersmypants na ginabayan ni Kevin Abobo.