Air Force volleybelles pasok sa quarters

MANILA, Philippines - Hindi alintana ng Air Force ang matinding hamon ng Phl National Police upang hugutin ang 25-16, 25-11, 25-21 panalo kahapon at makasiguro ng slot sa quarterfinals ng Shakey’s V-League 10 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Matapos dominahin ang unang set, napalaban ng husto ang Air Women sa Police Women sa third set bago nag-step-up si Joy Gazelle Cases sa kanyang team-high  na 18.

Ang panalo na ikaapat ng Air Force kontra sa da-lawang talo ang nagdala sa Air Force sa quarters para samahan ang wala pang talong Cagayan Rising Suns (7-0), Army Women at Smart Net Spikers.

Si Cases ang sumira sa diskarte ng PNP matapos magpakawala ng 17 kills sa kanyang 18 hits.

“Siya ang puso ng team na ito,” sabi ni Air Force coach Clarence Esteban.

Sinuportahan naman nina Judy Ann Caballejo at Maika Ortiz si Cases sa kanilang 11 at 10 points ayon sa pagkakasunod.

Nalasap naman ng PNP ang kanilang ikalimang sunod na talo.

Nakalusot naman ang Army laban sa Smart na pinalakas ng nagbalik sa aksiyon na si Ateneo star Alyssa Valdez matapos itakas ang 25-22, 25-19, 22-25, 20-25, 15-13 panalo sa isa pang laro. 

Pinangunahan ni Jovelyn Gonzaga ang Lady Troopers sa kanyang 22 kills, 19 mula sa attacks at ang iba ay mula sa service aces habang ang mga da-ting UAAP MVP na sina Mary Jean Balse at Michelle Carolino ay may 13 at 10, ayon sa pagkakasunod upang iposte ang kanilang ikalimang panalo sa anim na laro para manatili sa No. 2.

Sa unang laro ni Valdez na tinapos muna ang kampanya sa UAAP beach volleyball para sa Ateneo Lady Eagles, nagtala ito ng 28 hits kabilang ang 21 sa kills at match-high six aces na nauwi lang sa wala matapos malasap ng Smart ang ikatlong talo sa 7-laro.

Ang Net Spikers ay bumangon mula sa 0-2 set dahil sa pananalasa ni Valdez  at nakuha pa  ang sumunod na dalawang set para ipuwersa ang deci-ding fifth set kung saan nakipagbunuan sila sa dalawang match points ngunit bumigay din sa bandang huli.

 

Show comments