Huling twice-to-beat habol ng La Salle

MANILA, Philippines - Selyuhan ang playoff para sa ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa 76th UAAP men’s basketball ang pagsisikapan ng La Salle sa pagharap sa UST ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Dakong alas-4 ng hapon magtutuos ang Archers at Tigers at kailangang manalo ang una para maging palaban pa sa insentibo na makakamit ng mangungunang dalawang koponan matapos ang double-round elimination.

Nasa ikatlong puwesto ngayon ang Archers sa 9-4 karta ngunit ang panalo ang magreresulta para makasalo sa pahingang National University at FEU sa unang puwesto sa 10-4 baraha.

Gagamitan ng quotient system para basagin ang pagtatabla at ang Bulldogs ang lalabas na number one sa 1.001 quotient.

 Ang La Salle at FEU ang maghaharap sa playoff para sa mahalagang bentahe sa kanilang pagtutuos sa semifinals.

 Pero kung manalo ang Tigers, ang FEU ang lalabas bilang No. 1 at No. 2 ang NU.

Mahalaga rin ang panalong makukuha ng UST para magkaroon sila ng momentum sa pagharap sa Ateneo sa Miyerkules na magdedetermina kung sino sa Tigers at Eagles ang kukuha sa ikaapat at huling puwesto sa semifinals.

Unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon ay sa pagitan ng UE at Adamson at pride na lamang ang makakamit ng mananalo dahil parehong wala nang pag-asa sa susunod na round  ang dalawang koponang ito.

Ang Falcons ay magnanais na makuha ang tagumpay bilang pabaon sa kanilang coach na si Leo Austria na nagsabing hindi na babalik sa koponan  sa susunod na taon matapos  makarinig ng pagdududa sa kakayahang mag-coach nang hindi maipasok ang koponan sa Final Four.

 

Show comments