Kay Inday muling nanalasa
MANILA, Philippines - Muling ipinakita ng kabayong Kay Inday ang ba-ngis sa pagtakbo nang sorpresahin ang mga pinaborang kabayo na nakalaban noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si apprentice jockey JL Paano ang pinagabay pa rin sa nasabing kabayo na kumarera sa class division 3 sa 1,400-metro distansya.
Napahinga ang kabayo ng halos apat na buwan at sa huling takbo noong Mayo 21 sa Metro Turf sa Malvar, Batangas ay nagtala ng banderang-tapos na panalo sa 1,200-metro karera.
Walang nabago sa porma ng nasabing kabayo dahil wire-to-wire din ang panalong nakuha para hiyain ang mga itinalagang paboritong kabayo na Herran, Best Guys at Gabbi’s Choice sa 10-kabayong karera.
Nagpista ang mga dehatista sa huling karerang pinaglabanan sa gabi sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) dahil nasa P6,429.50 ang dibidendo sa 2-4 forecast habang ang win ay mayroong P199.50.
Pinangatawanan naman ng kabayong Pot Pot’s Love ang pagiging paborito sa mababang dibisyon na 1C at pinaglabanan sa 1,300-metro.
Dating tumatakbo sa class division 1A, walang hirap na dinomina ng Pot Pot’s Love na hawak ngayon ni Dar De Ocampo mula sa dating hinete na si JB Bacaycay, para makatikim uli ng panalo.
Ang Sydney Bloom na sakay ng apprentice jockey na si RM Ubaldo ang pumangalawa para mangibabaw ang mga napaborang kalahok.
Halagang P8.50 ang ipinasok ng win ng Pot Pot’s Love habang P16.50 ang dibidendo ng 3-5 forecast.
- Latest