Wala si Perasol sa laban ng Eagles vs Tigers

MANILA, Philippines - Hindi makakasama ng Ateneo ang kanilang head coach Bo Perasol sa do-or-die game nila laban sa UST sa Setyembre 18.

Napagdesisyon ng UAAP board na suspindihin si Perasol sa nasabing laro na magdedetermina kung lalaban pa o mamamaalam na sa liga ang koponang pinagharian ang UAAP sa huling limang taon.

Nagpulong ang Board kahapon sa Casa Español sa Manila at napagtanto na ang presensya ni Perasol sa laro ng Ateneo at UE noong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay pagsuway sa ibinabang one-game suspension matapos makipag-away sa isang La Salle fan.

“Coach Bo was in the game venue when he was supposed to be serving his suspension. That is why the board decided that he should be serving the penalty and he is not being suspended again,” wika ni league board secretary Malou Isip ng host Adamson.

Pero hindi tinugon ang katanungan kung bakit hindi napatawan din ng ganitong kaparusahan si Ralf Olivares na nakita rin na nanonood ng laro gayong sa game na ito sinisilbihan din niya ang kanyang suspension.

Galing ang Eagles sa 65-70 pagkatalo sa kamay ng National University para sa 7-6 baraha.

Kailangan nila ngayon  na talunin ang UST sa hu-ling laro para makahirit ng playoff o makuha ang mahalagang ikaapat na puwesto sa Final Four, depende sa magiging resulta ng laro ng Tigers at La Salle bukas.

Inihayag naman ni Perasol na hindi pa niya nakukuha ang desisyon ng Board pero tanggap niya ito.

“I have yet to be officially notified of the board’s resolution to that particular  matter. I am not in a position to defend myself or whether I think the decision is right or wrong. However, whatever it is, I will abide by it,” wika ni Perasol.

Hindi rin niya nakikitang magiging hadlang ang suspension sa kanya sa pag-asinta ng Eagles sa mahalagang panalo.

“My team will fight for that Final Four slot with or without me at the  helm,” ani Perasol.

Kasabay nito ay nagdesisyon din ang UAAP board na bawiin ang limang panalo ng FEU Lady Tamaraws matapos mapatunayan na naglaro si Vangie Soriano sa isang commercial league na isinagawa kasabay ng UAAP.

 

Show comments