MANILA, Philippines - Ipaghiganti ang pagkatalo sa unang pagkikita ang nais gawin ng mainit na College of St. Benilde sa pagsukat uli sa galing ng Perpetual Help sa 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kakalas ang Blazers sa three-way tie sa ikalimang puwesto kasama ang Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College kung malulusutan ang Altas sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi.
Unang magtutuos ang Lyceum at Arellano sa ganap na ika-4 ng hapon at kapwa mangangailangan ng panalo para manatiling palaban sa puwesto sa Final Four.
May 4-7 baraha ang Pirates at nasa ikawalong puwesto kumpara sa Chiefs na hawak ang 3-8 at nasa ikasiyam na posisyon.
Galing ang Lyceum sa kagulat-gulat na 80-76 panalo sa nangungunang Letran sa huling laro upang matiyak na mataas ang morale na haharapin ang Chiefs na dumanas ng 49-54 pagkatalo sa San Sebastian sa huling asignatura.
Yumukod ang Blazers sa Altas sa dikitang 89-90 iskor para putulin ang kanilang tatlong sunod na panalo.
Ngunit may dalawang sunod na tagumpay ang bataan ni coach Gabby Velasco nang pabagsakin ang Jose Rizal University (57-55) at Mapua (74-62) upang matiyak na nasa kondisyon ang mga kamador tulad nina Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey.
Tiyak ding handa ang Altas na dumalawa sa host school at makabangon agad sa di inaasahang 68-70 pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College para bumaba sa ikatlong puwesto sa 8-3 baraha.
Si Juneric Baloria na gumawa ng 28 puntos sa huling laro ang aasahan uli ng Altas pero dapat na manumbalik ang .husay ni Nosa Omorogbe na nilimitahan lamang ng Generals sa siyam na puntos mula sa 4-of-17 shooting.