Jungle Jingle paboritong nanalo
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Jungle Jingle ang pagiging paboritong kabayo nang magbanderang-tapos ito sa sinalihang karera noong Martes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nagmamadaling kinuha ng nasabing kabayo ang liderato sa pagbubukas ng aparato at may sapat pang lakas sa huling 10 metro sa 1,300-metro distansyang karera upang maisantabi ang malakas na pagdating ng Blue Material na kinapos ng isang ulo sa meta.
Isang class division 4 ang karera at umakyat ng dibisyon ang nanalong kabayo na diniskartehan ni RR Camañero matapos gabayan dati nina Jonathan Hernandez at R. Tablizo.
Outstanding na kabayo ang Jungle Jingle para makapaghatid ng P5.00 sa win habang dehado pa ang Blue Material para pumalo sa P35.00 ang ipi-namahagi para sa 1-4 forecast.
Nakahulagpos naman ang kabayong Whistler sa apat na kasabayan sa rekta para lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa walong karerang ini-handa sa ikalawang araw sa pitong araw na pangangarera na ginawa sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Kumabig ang mga dehadista ng P85.00 sa win ng Whistler habang nasa P407.50 ang inabot pa ng 5-6 forecast.
Nakita rin uli ang husay ng Don Albertini sa pagdadala ni Hernandez nang manalo sa hanay ng limang kabayo na nagtuos sa 3YO Special Handicap Race.
Tinalo ng nasabing kabayo ang dehado pang Quitek Willy para magbigay ng P10.00 sa win habang P114.50 naman ang ibinigay sa 5-2 forecast.
- Latest