3 malalaking stakes races itatakbo ng Philracom

MANILA, Philippines - Ang mga racing clubs ng Metro Turf Club at San Lazaro Leisure Park ang siyang pagdarausan ng tatlong stakes races na itataguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa buwan ng Setyembre.

Unang host ay ang bagong racing club na nasa Malvar, Batangas sa pamamagitan ng Jockey Elias 'Eleng' Ordiales Race na kilala rin bilang 5th leg ng Imported/Local Challenge Race.

Ito na ang huling Challenge Race para sa mga imported at local horses para sa tatlong taong gulang pataas na mga kabayo at sa makapigil-hiningang 2,000-metro gagawin ang labanan.

Ang mga kabayong nanalo na sa mga naunang Challenge race ay papatawan ng dagdag na isang kilogram na  timbang habang ganito rin ang dagdag peso ng mga imported horses kung may mga makakalabang local horses.

Nasa P500,000.00 ang kabuuang premyo  at ang mananalo ay maghahatid ng P300,000.00 gantimpala sa kanyang connections.

Nakatoka naman ang Manila Jockey Club Inc. sa Setyembre 29 para itakbo ang 3rd leg ng Juvenile Fillies at Colts Stakes races na inilagay sa 1,400-metro distansya.

Pinasarap ang tagisan sa inilaan na P1 milyon na gantimpala at ang susuwertehin ay kukubra ng P600,000.00 unang premyo.

Magkaibang mga kabayo ang nanalo sa unang dalawang yugto ng karera kaya’t dapat na asahan na magiging kapana-panabik ang magaganap na aksyon sa hanay ng mga two-year old horses sa itatakbong karera.

Ang Marinx at Matang Tubig ang kampeon sa first leg pero natalo ang mga ito ng Kukurukuku Paloma at Young Turk sa second leg na itinakbo sa mga distan-syang 1,000m at 1,200-metro distansya.

 

Show comments