MANILA, Philippines - Hahabulin ngayon ng FEU at National University ang playoff spot para sa mahalagang twice-to-beat advantage sa pagsalang sa magkahiwalay na laro sa 76th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Tamaraws at Bulldogs ay kasalo ng pahingang La Salle sa liderato sa liga sa 9-4 baraha at kung maipanalo ang mga laro ay makakalapit sa mahalagang insentibo.
Sa dalawang koponang ito, tila mas madali ang laro ng Tamaraws dahil ang walang panalong UP ang kanilang katipan sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ang Bulldogs ay tiyak na mapapalaban dahil ka-tapat nila ang 5-time defending champion Ateneo dakong alas-4.
Kapantay ng Eagles ang UST sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 7-5 baraha at kailangan nila ang panalo para solohin pansamantala ang mahalagang puwesto.
Ang La Salle ang kasukatan ng UST sa Sabado at mangangailangan din ng panalo lalo na kung magwawagi ang NU at FEU.
Sakaling magkaroon ng triple-tie sa unang puwesto, ang koponang magtataglay ng pinakamagandang quotient ang magiging number one at kukunin ang isang twice-to-beat advantage habang ang dalawang magkatabla ang maglalaban sa playoff para sa insentibo.
Samantala, hiniling ng UE sa UAAP board kung may nilabag ang Ateneo nang makita ang suspendidong coach na si Bo Perasol sa loob ng MOA Arena sa nasabing laban.
May counter naman ang Ateneo na sinabing si Ralf Olivares ay naupo sa likod ng UE bench sa naganap na laro gayong dito sinisilbihan ng manlalaro ang one-game suspension na ipinataw sa kanya.
Isinama na rin ang mga insidente na sina FEU guard RR Garcia, UE players Charles Mammie at Lord Casajeros at La Salle guard Thomas Torres na umupo malapit sa bench ng kanilang team gayong mga suspendido sila.