Parker nagbida sa panalo ng france

LJUBLJANA, Slovenia -- Umiskor si San Antonio Spurs star Tony Parker ng 28 points para banderahan ang France sa 77-71 panalo laban sa Ukraine papasok sa second round ng European basketball championships.

Nauna nang umabante sa second round ang Finland matapos sibakin ang Russia, 86-83, via double overtime.

Ang Russia ang bronze medalist sa London Olympics noong nakaraang taon at sa Europeans noong 2011.

Ang top three teams mula sa bawat grupo ang aabante sa second round.

Bumangon ang Finland sa regulation at sa unang overtime bago gimbalin ang Russians na naglaro nang wala si Minnesota Timberwolves forward Andrei Kirilenko at iba pang mahuhusay at sikat na players.

May 4-0 record naman ang Italy mula sa kanilang 81-72 panalo kontra sa Greece na tinampukan ng 23 points ni Chicago Bulls guard Marco Belinelli.

Sa Jesenice, tinalo ng Serbia ang Latvia, 80-71, sa likod ng 25 points ni center Nenad Krstic.

Sa Celje, nagtala sina Ricky Rubio ng Timberwolves at Marc Gasol ng Memphis Grizzlies ng tig-15 points para igiya ang defending champion Spain sa 89-53 tagumpay laban sa Poland.

Limang players ang umiskor sa double figures para sa Spain, kinuha ang 49-13 bentahe sa halftime at tinambakan ng 48 points ang Poland sa second half.

Pinayukod naman ng Bosnia-Herzegovina ang Macedonia, 62-54, sa Jesenice at pinatalsik ng Britain ang Germany, 81-73, sa Ljubljana.

 

Show comments