MANILA, Philippines - Hindi na pinakawalan pa ni Antonio Gabica ang pagkakataong ibinigay sa kanya ni German pool player Dominic Jentsch upang kunin ang 9-7 panalo at ang tiket sa main draw sa World 9-ball Championship.
Balikatan ang labanan ng dalawa pero nanalo si Gabica sa mahalagang 15th rack at hindi na siya nagpabaya nang tuhugin pa ang 16th rack upang umabante mula sa winner’s side sa Group 2 sa pagpapatuloy ng Group eliminations kahapon sa Alarabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Ang 2006 Doha Asian Games gold medalist na si Gabica ang siyang unang Pinoy na nakasali sa main draw pero inaasahang may susunod pa dahil palaban pa sa winner’s side sina Francisco Bustamante, Ramil Gallego, Jeff de Luna, Israel Rota, Raymund Faraon, Lee Van Corteza, Marlon Villamor at Dennis Orcollo.
Dadaan naman sa mas mahirap na ruta si Marlon Manalo nang mabigo siya kay Omar Al Shahen ng Kuwait sa 1-9 iskor.
Laglag si Manalo sa loser’s side at kailangang manalo kay Sniegocki Mateusz ng Poland at para manatiling palaban sa titulo galing sa loser’s side sa Group 2.
Ang dalawang ma-ngungunang pool players sa winner’s at loser’s side mula sa 16 na grupo ang aabante sa main draw.
Sina Efren “Bata†Reyes at Carlo Biado na natalo sa unang laro sa Groups 1 at 6 ay palaban pa nang kalusin sina Shaun Wilke ng USA at Saleh Ameen ng host Qatar sa iisang 9-4 iskor.
Isang laro pa ang kailangang ipanalo nina Reyes at Biado para umusad sa tournament proper.