Pagkakataon ngayon ng Altas
MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ng Perpetual Help Altas na saluhan ang Letran Knights sa unang puwesto sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College sa 89th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Kalaban ng Altas ang Generals sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi at nais nilang tuhugin ang ikaapat na sunod na panalo upang mapantayan ang Knights sa tuktok ng liga sa 9-2 baraha.
Nalasap ng Letran ang ikalawang pagkatalo nang gulatin ng Lyceum noong Huwebes sa 76-80.
Galing ang tropa ni coach Aric del Rosario mula sa dikitang 82-80 panalo sa Arellano sa la-rong nauwi sa pahusayan sa free throw shooting.
Si Harold Arboleda ang siyang tumayong bida sa nasabing sagupaan nang maipasok sa game winning free throws upang isulong sa tatlong sunod ang pagpapanalo ng Altas.
Aasa pa rin si Del Rosario sa husay ni Arboleda pero malaking tulong kung magpapatuloy ang magandang ipinakikita nina Nosa Omorogbe at rookie Juneric Baloria para iwanan ang San Beda na siya nilang kasalo sa ikalawang puwesto sa 8-2 baraha.
Unang laro sa ganap na ika-4 ng hapon ay ang pagkikita ng host St. Benilde at Mapua.
Galing ang Blazers sa 57-55 panalo sa Jose Rizal University at kung maipapanalo pa ang laban sa Cardinals ay didikit pa sila sa Heavy Bombers at San Sebastian na magkasama sa ikaapat na puwesto.
Sa kabilang banda, kailangang lumabas na ang itinatagong tikas ng Cardinals dahil sa 1-9 baraha, kasama ang walong sunod na kabiguan, nalagay na sila sa must-win upang makahabol sa puwesto sa Final Four.
- Latest