MANILA, Philippines - Walang nakapigil sa malakas na pagdating ng kabayong Musashi na ginabayan ni Pat Dilema para masama sa mga kuminang sa idinaos na pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Miyerkules ng gabi.
Agad na nagpasikat ang kabayong Galing Galing ni Rodeo Fernandez matapos hawakan ang liderato at nakaagwat pa ng halos anim na dipang layo sa apat na iba pang katunggali sa Special Handicap race na inilagay sa 1,300-metro.
Pero hindi kinaya ng tambalan na mapanatili ang malakas na ayre nang tumapos lamang ang tambalan sa ikatlong puwesto.
Ang Gee Aye Jane na nalagay sa balya ang nakaa-ngat papasok sa huling 150-metro pero mas malakas ang takbo ng Musashi at mula sa labas ay umarangkada upang kunin pa ang halos dalawang kabayong pagitan na panalo.
Pangalawang sunod na panalo ito ng Musashi sa ikatlong dikit na paggabay ni Dilema at ang win ay naghatid pa ng P26.50 habang ang forecast na 5-3 ay nagpasok ng P87.00.
Nagpatuloy din ang magandang ipinakikita ng kabayong Royal Jewels na nanalo pa sa isang class division 6-7 karera sa 1,200-metro distansya.
Sa rekta kinuha ng Royal Jewels na ibinalik sa pagdiskarte ni Dominador Borbe Jr. ang liderato bago pinagpag ang hamon ng Michika na hawak ni CP Henson.
Ang Water Shed na may tatlong dikit na panalo ay nalagay lamang sa ikaapat na puwesto at naunahan pa ng Joshua’s Laughter.
Napaboran ang Royal Jewels matapos ang dala-wang segundo at isang panalo na karta sa huling tatlong takbo at nagpamahagi ang win ng P8.50 habang nasa P22.50 ang ibinigay sa 5-3 forecast.