MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang mga winning streak ng National University at La Salle para humigpit pa ang tagisan sa itaas ng standings sa 76th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang mga lider na sina Bobby Ray Parks at Emmanuel Mbe ay nagsanib sa 14 puntos lamang pero hindi naramdaman ito ng Bulldogs dahil sa inspiradong paglalaro ng mga panuporta para kalusin sa ikalawang sunod na pagkakataon sa season ang UST sa mas kumbinsidong 75-61 panalo.
Si Robin Roño ay naghatid ng 19 puntos na kinatampukan ng 5-of-6 shooting sa 3-point line mula sa bench habang si Dennis Villamor at Gelo Alolino ay may 18 at 10 puntos. Si Glenn Khobuntin ay mayroong siyam na puntos at sila ni Roño ang nakasakit sa huling yugto para hindi makumpleto ng Tigers rally.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Bulldogs para dumikit ng kalahating laro sa nangungunang FEU sa 7-3 baraha.
Si Karim Abdul at Kevin Ferrer ay may double-double na 18-12 at 11-12 puntos at rebounds pero minalas ang Tigers nang magkaroon ng cramps sa hamstring ang nagbabalik na si Jeric Teng upang hindi na ito palaruin sa second half tungo sa ikatlong sunod na pagkatalo at 4-5 baraha.
Gumana naman sa second half ang Archers tungo sa 85-63 panalo sa UP sa unang laro.
Ang mga malalaking manlalaro na sina Jason Perkins at Norbert Torres ay may double-double na 19 puntos at 16 boards at 16 puntos at 14 rebounds habang sina Almond Vosotros at Jeron Teng ay may 16 at 12 puntos para kunin ng Archers ang ikatlong sunod na panalo at 6-4 record sa pangkalahatan.