10-kabayo sa Lakambini Stakes

MANILA, Philippines - Sampung kabayo ang magsusukatan ngayong hapon para mapagha-rian ang 2013 Philracom Lakambini Stakes Race sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite

Itataya ng Nurture Nature at Hot Momma ang pagpapanalong naitala sa huling mga karerang sinalihan habang ang iba pang kalahok ay tiyak na bubuhos din para mapagharian ang tampok na karera na paglalabanan sa 1,800-metro distansya.

Si Pat Dilema ang sasakay sa Nurture Nature sa ikalawang sunod na pagkakataon at pilit niyang palalawigin ang pagpapanalo sa tatlong sunod matapos manalo noong Hulyo 27 at Agosto 8 sa nasabing race track.

Sa kabilang banda, ang Hot Momma ay hindi pa natatalo sa tatlong karerang sinalihan mula noong Hunyo sa pagdadala ni CV Garganta.

Pero si Antonio Alcasid Jr. ang hinete ng Hot Momma at kung may magiging epekto ito sa resulta ng takbo ng tambalan ay malalaman matapos ang tagisan.

Ang iba pang kasali ay ang Amberdini (MA Alvarez), Appointment (JB Hernande), Five Star (JB Guce), Keep The Pledge (EG Reyes), Laguna (FM Raquel Jr.), Leonor (JV Ponce), Mrs. Teapot (JB Bacaycay), Wild Ginseng (JA Guce).

Show comments