Perpetual dinungisan ang record ng Letran

MANILA, Philippines - Minantsahan ng Perpetual Help ang dating malinis na kartada ng Letran College matapos kunin ang 80-66 panalo sa elimination round ng 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan.

Ito ang unang kabiguan ng Knights matapos iposte ang matayog na 7-0 record, habang buma-ngon ang Altas mula sa isang 65-72 kabiguan sa three-time champions na  San Beda Red Lions.

Umiskor si rookie Juneric Baloria ng game-high na 28 points, samantalang nagdagdag ng 25 si Nosa Omorogbe ng 25 markers kasunod ang 12 ni Justine Alano para sa Perpetual.

Nagtala naman si 6-foot-7 center Raymond Almazan ng 15 points sa panig ng Letran kasunod ang 10 ni Kevin Racal.

Kaagad na kinuha ng Altas ang 23-7 abante sa huling tatlong minuto sa first period patungo sa pagtatala ng isang 21-point lead, 49-28, sa halftime laban sa Knights.

Naputol ng Letran ang nasabing kalamangan ng Perpetual sa 45-59 mula sa isang three-point play ni Racal laban kay Omorogbe sa 3:25 ng third quarter bago muling makalayo ang Perpetual sa 71-49 sa 9:20 ng final canto.

Sapat na ito upang pitasin ng Altas ang kanilang pang-anim na panalo sa walong asignatura.

“Sabi ko sa kanila pagpasok sa court laban na agad,” sabi ng 73-anyos na si coach Aric Del Rosario. “Kasi tingnan mo ‘yung nangyari sa amin sa San Beda, tinambakan kami agad.”

Sa juniors division, binigo naman ng Letran Squires (4-4) ang Perpetual Altalettes (3-5) sa pamamagitan ng 79-60 tagumpay, habang tinalo ng Jose Rizal Light Bombers (5-3) ang Lyceum Junior Pirates (0-8) mula sa 78-48 iskor.

 

 

 

Show comments