MANILA, Philippines - Nagpalit ng hinete ang kabayong Puuuma noong tumakbo sa mas mababang distansya at ang kombinasyong ito ay nakatulong upang pumaimbulog ang tambalan noong Lunes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Limang kabayo ang dumating sa rekta pero sapat ang lakas ng Puuuma para maisantabi ang hamon ng mga kabayong Going West, Win Lane at Deceiving.
Dating kumakampan-ya ang Puuuma sa class division 6 pero bumaba ng kategorya matapos ang tatlong sunod na 10th place na pagtatapos.
Dehado ang Puuuma para makapaghatid ng P42.00 dibidendo sa win habang ang kumbinasyon ng nanalo at ng Going West na third choice sa bentahan na 2-3 ay mayroong P282.50 na ipinamahagi.
Ang Flo Jo na hawak ni Leonardo Cuadra Jr. at siyang napaboran sa pitong kabayong karera ay hindi tumimbang.
Nakatulong din sa kabayong Isobel ang pagbabalik sa dating hinete at pagbaba ng timbang para manalo at mapasaya rin ang mga dehadistang tumangkilik sa unang araw ng pitong araw na karera na itinaguyod ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Si John Alvin Guce ang sumakay uli sa Isobel matapos hawakan ni Rodeo Fernandez sa huling takbo at nasilayan ang husay ng kabayo sa class division 1, 1300-meter race. Hindi umabot ang hamon ng Safety’s Gold na hawak ni Mark Alvarez at galing sa panalo sa huling takbo para makapaghatid ang 8-7 forecast ng P147.50 habang ang win ay mayroong P35.00 dibidendo.
Ang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Swerte Lang sa pagdadala ni Jonathan Hernandez.
Kondisyon ang kaba-yong nabanggit nang magbanderang-tapos ito sa 1,300-metro karera para makapaghatid ng P6.00 sa win. Pumangalawa ang Will Of Fame para magbigay ng P15.00 ang 5-1 forecast.