MANILA, Philippines - Tatlong ginto pa ang hinablot ng pambansang koponan para sa magarang pagtatapos sa 7th Asian Junior Wushu Championships na nagsara kahapon sa Makati Coliseum.
Ang mga taolu artists na sina Johnzenth Gajo at Vanessa Jo Chan ang naghatid ng ikaapat at limang ginto bago inangkin ni sanda artist Noel Alabata ang ikaanim sa men’s 48-kilogram division para wakasan ng koponang lahok ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) ang kampanya bitbit ang anim na ginto, limang pilak at limang bronze medals.
Ang 11-anyos na si Gajo ay nagtala ng 8.99 puntos para manalo sa Group C men’s elementary gunshu habang ang 13-anyos na si Chan ay may 9.20 puntos para mamayagpag sa Group B women’s 1st set jianshu.
Nakita naman ang lakas ng 18-anyos na si Alabata nang dalawang beses niyang ibinalibag sa labas ng ring si Vu Minh Duc ng Vietnam para makumpleto ang pagbangon mula sa pagkatalo sa first round.
Hindi naman pinalad sina Thommy Aligaga (men’s 48kg) at Vivine Wally (women’s 48kg) nang matalo kina Afshin Salimi Touphara ng Iran at Guan Acui ng China para sa dalawang pilak habang ang mga bronze medals sa sparring events ay ibinigay nina Vita Zamora (women’s 52kg) at Clemente Tabugara Jr. (men’s 56 kg).
Naunang tinarget ng WFP ang manalo ng hindi bababa ng limang ginto bagay na naabot ng koponan.
Pero kinapos sila ng isa sa inasam na pitong ginto para umabot na sa 100 ang gintong medalya na napanalunan sa mga international competitions na sinalihan.
Naisagawa ang torneo dahil na rin sa tulong ng PSC, POC, DOT, PCSO, Standard Insurance, MVP Sports Foundation, Arrow shirts, Summit water at Burlington sock.