Barako ibinigay si Kramer sa Petron kapalit ni Peña

MANILA, Philippines - Nabigla man sa naging desisyon ng Barako Bull ay maluwag na tinanggap ni Doug Kramer ang pagkakalipat sa kanya sa Petron Blaze apat na araw bago ang 2013 PBA Go­vernors Cup.

“Always grateful no matter what. And always looking on the positive side,” wika ni Kramer sa kanyang Twitter account na @DougKramer44 ka­ha­pon.

Ibinigay ng Barako Bull ang 6-foot-5 na si Kra­mer sa Petron bilang ka­palit ni Dorian Peña at isang second round draft pick.

Isinumite ng Barako Bull ang naturang trade pro­posal sa opisina ni PBA Commissioner Chi­to Salud na inaasahang aaprubahan ngayon.

Si Kramer ang magi­ging back-up ni 6’8 June Mar Fajardo sa Boosters kasama sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Lutz.

Makakatuwang naman ni Peña sa Barako Bull sina Danny Seigle, Mick Pennisi, Jonas Vil­lanueva, JC Intal at Ronjay Buenafe.

Itatampok sa 2013 PBA Governors Cup, mag­bubukas sa Agosto 14, ang mga imports na may height na 6’5 pababa.

Ibabandera ng Barako Bull si 6’4 Michael Single­tary, habang gagami­tin ng Petron si 6’4 Elijah Millsap, kapatid ni NBA player Paul Millsap.

Maghaharap sa Agosto 14 ang Globalport at Air21 sa ganap na alas-5:15 ng hapon kasu­nod ang bakbakan ng nagde­depensang Rain or Shine at San Mig Coffee sa alas-7:30 ng gabi sa MOA Are­na sa Pasay City.

 

Show comments