Pacquiao-Rios nagsagutan

MANILA, Philippines - Nagsabay sa pagbisita sina Manny Pacquiao at Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa isang popular na sports program na First Take sa Connecticut, USA.

Sa naturang programa ay nagkaroon ng mainitang sagutan sina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs).

Ngunit hindi ito tungkol sa kanilang non-title, welterweight fight sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China kundi tungkol kay Floyd Mayweather, Jr. (44-0-0, 26 KOs).

Tinanong ng isang host ng programa ang 27-an-yos na si Rios kung kayang talunin ng 34-anyos na si Pacquiao ang 36-anyos na si Mayweather kung ito ay nangyari noong 2011.

“I still got to go with Floyd,” pagkampi ni Rios kay Mayweather. “Floyd is still the man, he can still take two years off and come back and do his job.”

Kaagad namang sumagot si Pacquiao.

“He’s happy because he’s cheering for Floyd,” sambit ng Sarangani Congressman kay Rios.

Ngunit hindi nagpasapaw ang Mexican-American fighter. “I’m not here with my pom poms going for Floyd, I’m just being honest,” wika ni Rios.

Sinabi ni Pacquiao na ang pagtakbo sa laban ang magiging bentahe sa kanya ni Mayweather sakaling nangyari ang kanilang laban noong 2011.

“If you look at my style and Floyd’s style, he has the advantage because he is running, running and not fighting,” ani Pacquiao.

Tatlong beses nabasura ang negosasyon para sa super fight nina Pacquiao at Mayweather dahilan sa mga isyu sa prize money at pagsailalim sa isang Olympic-style random drug testing.

Sakaling manalo siya kay Rios, sinabi ni Pacquiao na posibleng muling mabuhay ang usapan para sa kanilang laban ni Mayweather. “I’m hoping for that fight to happen, but it’s up to him. If he says yes, then the fight will be on,” ani Pacquiao.

Show comments