MANILA, Philippines - Hindi na napigil ang paglayo ni Ruben Tupas sa hanay ng mga trainers para patatagin ang taguri bilang pinakamahusay sa kanyang hanay.
May 10 panalo ang hinakot ni Tupas para dagdagan ang naitala nang P1.776,816.54 premyo at lumayo pa sa pumapangalawang si DR dela Cruz.
Dalawa pa rin lamang ang hineteng may mahigit na isang milyon na kinita sa horse racing at nadagdagan ng mahigit na dalawang daan libong piso ang earnings ni Dela Cruz na pumalo na sa P1,267,302.88 sa 77 panalo, 78 segundo, 78 tersero at 60 kuwarto puwesto ng mga dinidiskartehang kabayo.
Si Tupas ay kumulekta rin ng 66 segundo, 64 tersero at 50 kuwatro puwesto.
Lumalaki naman ang layo ni Conrado Vicente kay Congressman Jecli Lapus para sa ikatlong puwesto.
Si Vicente ay kumarera sa 10 panalo sa nagdaang buwan para makalikom na ng 47 panalo, 44 segundo, 48 tersero at 34 kuwarto puwestong pagtatapos tungo sa P839,075.66 kita habang si Lapus na isa ring horse owner ay mayroong P743,769.36 panalo sa 37 panalo, 52 segundo, 62 tersero at 49 kuwarto puwestong pagtatapos.
Si RR Yamco ang nasa ikalimang puwesto sa 39-40-49-46 karta para sa P681,888.14 habang ang kukumpleto sa unang sampung puwesto ay sina JC Sordan, MM Vicente, RR Henson, DS Sordan at AC Sordan Jr.
Si Sordan ay kumabig na ng P669,905.34 (44-28-27-32), si Vicente ay mayroong P631,927.48 (43-35-35-42), si Henson ay mayroong P630,376.23 (30-38-40-34), si DS Sordan ay mayroong P575,924.72 (35-38-36-15) at si Sordan Jr. ay mayroong P558,739.86 (33-24-38-36).
Hindi naman malayong pumasok na sa top ten sa susunod na pagpapalabas ng datos sa earnings ng Philippine Ra-cing Commission (Philracom) ang batikang horseman na si Hermie Esguerra.
Si Esguerra ay nasa ika-11 puwesto at nakadikit kay Sordan Jr. sa nakuhang P514,210.98 kita mula sa 31 panalo, 19 segundo, 5 tersero at 12 kuwarto puwesto ng mga sinanay na kabayo.