Sadia nanguna sa Iloilo Milo marathon

MANILA, Philippines - Dinomina ni Mac-lin Sadia ang regional elimination ng 37th Milo Ma-rathon sa Iloilo kahapon.

Iniwanan ni Sadia sina Rowell Hulleza, Bennie Murillo at Roger Molinos para angkinin ang puwesto sa National Finals mula sa kanyang tiyempong isang oras, 14 minuto at 20 segundo.

Dalawang minuto ang layo ni Sadia kay Hulleza na mayroong 1:16:21 oras kasunod si Murillo na may 1:20:11at sina Molinos at Jorge Sepida na nagsumite ng 1:22:33 at 1:23:02 oras, ayon sa pagkakasunod.

Ang unang apat na runners ay nasa 18-34 age category, habang si Sepida ay nasa 45-49 class na nakapasok din sa National Finals.

Nahigitan ni Sadia ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2012 sa regional elims na idinaos sa Bacolod nang matalo siya kay Eric Panique.

Nabigo si Stephanie Cadosale na mapanatili ang titulo sa regional race nang matalo kay Adjennie delos Santos na may 1:37:44 tiyempo na halos dalawang minuto rin ang inilayo kay Cadosale na may 1:39:21 oras.

Sa kabila nito, makakatakbo pa rin si Cadosale sa National Finals na gaganapin sa Disyembre 8 sa SM Mall of Asia sa Pasay City kasama ang iba pang  35 runners na nakaabot sa qualifying time.

 

Show comments