MANILA, Philippines - Ayon sa mga FIBA-Asia Championship officials at participants, patas ang labanan sa 27th edition ng biennial Asian cage meet.
Ayon sa kanila, may pag-asang manalo sa defending champion China, host at five-time champ Philippines, two-time titlists Iran, South Korea at Japan, 2011 runner-up Jordan at ang mga palabang Kazakhstan, Qatar at Chinese Taipei.
Ang China, Iran, Korea at Kazakhstan ang sinasabing madaling makakapasok sa quarterfinals sa kanilang grupo habang ang Philippines, Jordan, Qatar, Japan at Chinese Taipei ay maglalaban-laban para sa apat na quarters berths mula sa kanilang bracket.
Maraming puwedeng mangyari sa Final Eight na simula ng knockout games kung saan manggagaling ang champion at tatlong medalists na kakatawan ng rehiyon sa FIBA World Cup sa Spain sa susunod na taon.
Hindi puwedeng balewalain ang China na laging top title contender dahil sa kanilang malalaking players, magandang programa at ngayon ay determinadong bumawi sa kanilang pagkabokya sa nakaraang Olympics.
Kahit may injury ang ibang players, mayroon pa rin silang ‘Great Wall’ sa katauhan nina dating NBA players Yi Jianlian, Wang Zhizhi at Sun Yue na imamando ng batikang Greek coach na si Panagiotis Giannakis.