Laban Gilas!

Laro ngayon

(Mall of Asia Arena, Pasay City)

11 a.m. -  Iran vs Malaysia

1:15 p.m. – Jordan vs Chinese Taipei

3:30 p.m. – Japan vs Qatar

5:45 p.m. – China vs Korea

8:30 p.m. – Saudi Arabia vs Philippines

10:30 p.m. – Kazakhstan vs Thailand

(Ninoy Aquino Stadium, Manila)

6:00 p.m. – India vs Bahrain

 

MANILA, Philippines - Ang pinakamalaking basketball event sa bansa sa loob ng ilang dekada ay magsisimula na ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Anim na laro ang matutunghayan sa makabagong venue habang isa naman ang mapapanood sa Ninoy Aquino Stadium bilang tampok sa pagbubukas ng 11 araw na torneo na kung saan ang mangungunang tatlong bansa ay aabante sa FIBA World Cup sa Madrid, Spain sa 2014.

Tampok na laro na tututukan ng mga basketball fanatics ng bansa ay sa ganap na ika-8:30 ng gabi sa pagharap ng Gilas Pilipinas sa Saudi Arabia.

Sa Group A nakasama ang Gilas National team sa 15-bansang torneo at hanap na bigyan ng magandang panimula ang kampanya sa liga.

Ang Nationals na hahawakan ni coach Chot Reyes ay ibabandera nina naturalized center Marcus Douthit bukod pa sa mga PBA players na sina LA Tenorio, Jayson Castro, Jimmy Alapag, Jeff Chan, Larry Fonacier, Gary David, Gabe Norwood, Ranidel de Ocampo, Japeth Aguilar, Marc Pingris at June Mar Fajardo.

Liyamadong-liyamado ang Gilas sa Middle East team na maglalaro na walang naturalized player ngunit ang hamon sa host country ay maipakita ang kalidad upang mapaghandaan ang susunod na mas mabigat na laban sa grupo.

Ang Jordan na nagpasok ng mga batang manlalaro ay makakasukatan ng Gilas bukas habang ang Chinese Taipei ang kukumpleto sa group elimination round assignment ng Pambansang koponan sa Biyernes.

“We don’t want to overlook Saudi Arabia but I must admit, we’re preparing hard for Jordan and Chinese Taipei,” wika ni Reyes na nagsagawa ng huling pagsasanay kahapon sa Treston Gym sa The Fort.

Kailangang tumapos sa unang puwesto sa grupo ang Pilipinas para magkaroon ng puhunan patungo sa second round na kung saan makakasama nila ang tatlong bansa na aabante mula Group D.

Para maituon ang kanilang isipan sa laban, iiwan ng kasapi ng Gilas ang pagtugon sa social media hanggang hindi natatapos ang kompetisyon.

May apat na titulo na ang Pilipinas sa torneong ito pero ang huli ay nangyari noon pang 1985.

Show comments