MANILA, Philippines - Habang nag-iisip ang Pilipinas na magpadala ng maliit na delegasyon sa Myanmar SEA Games, ang ibang bansa lalo na ang mga paboritong manalo ay magpapadala ng malaking delegasyon.
Base sa entries by numbers na isinumite ng 11 member countries, ang Philippines ay nasa seventh place na may 446 athletes.
Inaasahang mababawasan pa ito pagdating ng final evaluation ng Philippine Olympic Committee at iba’t ibang NSAs (National Sports Associations).
Sinabi ni Jose Cojuangco, POC president na inaasahan nilang aabot lamang sa 200 athletes o mas mababa pa ang ipapadala sa Myanmar SEA Games sa December.
Ang Indonesia na overall champion sa SEA Games, ay may planong magpadala ng 838 athletes, kasunod ang Thailand na may 827, Malaysia na may 695, Vietnam na may 693, Singapore na may 550 at ang Philippines na may 446.
Hindi pa sinasabi ng Myanmar kung ilang atleta ang kanilang ipadadala ngayong taon para sa SEA Games ngunit bilang host, inaasahang hitik sa kanilang mga atleta ang lahat ng events at inaasahang mahihigitan pa nila ang bilang ng Indonesia.
Plano ng Laos na magpadala ng 338 athletes kasunod ang Cambodia na may 277, Brunei na may 188 at Timor Liste na may 97 lamang.
Ang deadline para sa submission ng entries by names ay sa Sept. 15 at pagkatapos nito ay hindi na papayag ang mga organizers na magdagdag.
Hindi nagustuhan ng mga sports officials ang ginawang pagdadagdag ng Myanmar ng 60-events sa traditional at indigenous sports sa kanilang hangaring umangat sa standings.
Ang Myanmar ay seventh noong 2011 sa Indonesia at kung malalampasan nila ang Philippines sa sixth place, ang Philippines ay malalagay sa pinakamababang ranking sa kasaysayan ng SEA Games.