Vang’s Girl hindi napigilan sa Metro Turf

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang takbo ng kabayong Vang’s Girl sa bakuran ng Metro Turf Club matapos ma­­nalo noong Biyernes ng gabi sa race track na nasa Mal­var, Batangas.

Si RA Alicante ang hinete ng kabayong tumakbo ka­sama ang coupled entry na Lady Pegasus sa impor­ted class division 13-14 na inilagay sa 1,400-metro dis­tansya.

Kinailangang maipalabas ng hinete ang bangis sa pag­remate ang Vang’s Girl dahil tila nakaalagwa na ang Gentle Irony sa rekta.

Kumaripas ang Vang’s Girl na hindi binitiwan ang balya para makuha ang unang puwesto halos kalaha­ting dipa ang lamang lang sa Gentle Irony na ginaba­yan ni Reynaldo Niu, Jr.

Ito ang ikatlong panalo ng Vang’s Girl sa bagong race track at napaboran ang kabayo sa siyam na nag­laban, kasama ang dalawang coupled entries, upang ma­kapagbigay ng P9.50 sa win, habang P25.00 ang dibidendo sa 2-4 forecast.

Nanggulat naman ang kabayong El Matador nang manalo sa Handicap race 8 kahit nabugaw sa unang yug­to ng karerang pinaglabanan sa 1,400-metro dis­tan­sya.

Si Jessie Guce ang hi­nete ng kabayo at mula sa labas ay hindi napigil ang  malakas na pagda­ting para tuhugin ang mga na­sa unahang kabayo.

Halos isang ulo lamang ang naitalang pana­lo ng El Matador sa Top Meat para masiyahan ang mga dehadistang tumang­ki­lik sa karerang sinalihan ng anim na kabayo.

Pumalo sa P30.50 ang ibi­nigay sa win, habang nasa P410.50 ang dibi­den­do sa 3-2 forecast.

Magtatapos ang isang linggong pista ngayon sa pagkakaroon ng 13 karera na inihanay ng San Laza­ro Leisure Park sa Carmo­na, Cavite.

Kasama rito ang dalawang karera na may ad­ded prize na P10,000.00 sa mananalo na inilagay sa race two at eight para sa 3YO and Above Maiden at 2YO Maiden sa iisang dis­tansya na 1,300 metro.

 

Show comments