Army volleybelles pasok sa finals

MANILA, Philippines - Sinandalan ng TMS-ARMY ang kanilang puso para makumpleto ang 25-22, 25-22, 25-27, 10-25,15-13 panalo sa Cagayan Valley sa Philippine Super Liga women’s invitational semifinals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sina Michelle Carolino, Juvelyn Gonzaga at Mary Jean Balse ang nagtulung-tulong para sa huling tatlong puntos ng koponan sa deciding fifth set upang kunin ang unang upuan sa finals na paglalabanan bukas sa nasabing venue.

Kakalabanin ng Lady Troopers ang mananalo sa pagitan ng Cignal at Petron na idinadaos pa habang isinusulat ang balitang ito.

Inakala ng mga panatiko ng top seed sa torneong inorganisa ng  SportsCore katuwang ang Solar Sports, Mikasa, Asics, PSC, The San Juan Arena, Healthway Medical, LGR outfitter, Lenovo, Vibram Five Fingers at PAGCOR na uuwing luhaan ang koponang uma-lagwa sa 2-0 sa best-of-five series matapos  maiwanan ng Lady Rising Suns sa 12-6 iskor.

Ngunit tila nagkumpiyansa ang Cagayan Valley at ito ang sinamantala ng Lady Troopers na tinapos ang labanan sa pamamagitan ng 9-1 palitan.

Sa pamununo nina Balse at Carolino ay nakatabla ang TMS-Army sa 12-all bago humirit ng kills si Sandra delos Santos para sa 13-12 kalamangan sa Lady Rising Suns.

Ngunit ito na ang huling hirit ng koponan nang hindi nadepensahan si Gonzaga bago tinapos ni Balse ang labanan sa isang block at lumapit sa isang laro para hiranging kauna-unahang kampeon ng PSL.

Show comments